Pages

Ang kapalaran ni Isko

[Isang Kuwentong-bayan]

"ANG KAPALARAN NI ISKO"

ni Antonia F. Villanueva



Ang kuwentong ito ay nangyari noong unang panahon. Ang mga bahay noon ay halos panay na bato dahil sa hindi pa lubhang alam ng mga tao na ang kahoy at bakal ay mabubuting kagamitan din. Hindi mga karpintero ang gumagawa ng mga bahay kundi kantero, kaya si Isko'y hirap na hirap. Sino si Isko?



Si Isko'y isang taong mahirap, na dahil sa karamihan ng mga anak ay tunay naghihikahos sa buhay. Kung sa bagay siya'y mabait na asawa at masipag na ama. May loob din siya sa Diyos at di siya sumasala sa pagsisimba tuwing linggo at araw na dapat ipangilin. Nguni't mahinang talaga ang kita ni Isko kaya kung minsan ang kaniyang mag-anak ay sumasala sa oras.



Minsan si Isko'y nawalan ng trabaho. Lalong naging malungkot ang mag-anak ni Isko. Wala na silang makain at gula-gulanit na halos ang mga damit nila.  si Isko'y di halos makatulog. Iniisip niyang mabuti kung ano ang dapat niyang gawin.  Siya'y patuloy pa rin sa pagdalangin sa Diyos.

Isang gabi si Isko'y nagising dahil sa malakas na tawag ng isang tao. Binuksan niya ang pinto at pinatuloy ang isang taong payat na matangkad.

"Tuloy kayo," ang anyay ni Isko.  "Maupo kayo."

"Salamat," ang sagot ng tao. "Hindi ako magtatagal kaya makinig ka lamang. Ikaw ay nakikilala kong mabuting kristiyano, kaya nalalaman kong matapat ka't mapagkakatiwalaan. Ibig mo bang kumita ng kaunti ngayong gabi?"

 "Opo," ang sagot ni Isko. "Buong puso po akong gagawa upang kumita ng kahit kaunti."

"Pag ikaw ay mabuting kantero malaki ang ibabayad ko sa iyo," ang sabi ng tao, "nguni't ikaw ay aking tatakpan sa mata.  Papayag ka ba?"

"Opo, piringan ninyo ako kung ssiya ninyong ibig."

Piniringan na nga si Isko at siya'y inakay ng tao. Marami at pasikut-sikot ang mga kalyeng dinaanan nila. Tumigil sila sa tapat ng isang bahay. Binuksan ng tao ang pinto at sila'y pumasok. Dinala si Isko sa isang kuwarto at doon ay inalis ang takip ng mga mata niya. Sa gitna ng kuwarto'y may isang tila hukay.

"Gawin mo ang hukay na iyan. Simentuhan mo," ang utos ng tao.

Hindi niya natapos ang trabaho. Nang mag-uumaga na'y inihatid na siya sa kaniyang tahanan na may piring din. Kinabukasan, siya'y sinundo uli. Pagkatapos ng limang araw ang hukay ay natapos.

"Tulungan mo akong buhatin ang nga katawang ilalagay ko sa hukay na iyan," ang sabi ng tao.

Natakot nang gayon na lamang ang kantero. Nanindig ang kaniyang balahibo at siya'y kinilabutan. Nanginginig siyang sumunod sa tao sa isang silid. Ang nakita niaya'y limang gusing puno ng salapi, ginto at mga hiyas. Binuhat nila ang mga gusi at kanilang inilagay sa hukay. Pagkatapos ang hukay ay tinakpan  at sinementuhan.

"Mabuti ang iyong trabaho," ang sabi ng tao. "Ito ay para sa iyo,"
at binigyan si Isko ng isang balot na salapi. Ganoon na lamang ang tuwa ni Isko. Nagpista tuloy kinabukasan silang mag-anak.

Nang maubos ang salapi, si Isko'y naghirap uli. Tunay ngang kumikita siya, ngunit hindi sapat sa kanilang pangangailangan. Ang mga anak ni Isko'y lumaking mga payat at parang pulubi.

Isang araw, si Isko'y sinadya sa kaniyang dampa ng isang taong kuripot, "nabalitaan kong ikaw ay naghihirap."

"Totoo po at nakikita naman ninyo angaming kalagayan," ang sagot ni Isko.

"Kung gayon, ibig mo ng trabaho at sa palagay ko'y tatanggap ka ng mababang sahod."

"Opo," ang sagot ni Isko.

 "Iyan ang ibig ko," ang sabi ng mayaman. "Ako'y may isang bahay na sira-sira na at halos ay babagsak na lamang. Marami pa ang magugugol ko sa pagpapagawa kaysa makukuha ko sa upa kung pauupahan ko iyon. kung sa bagay wala namang may ibig tumira roon. Kaya kailangang kaunti lamang ang magasta ko."

Si Isko'y sumama sa taong mayaman sa isang bahay na ubod ng laki. Dinala si Isko sa mga silid ng bahay. Ang isa sa mga silid ay kiala ni Isko. Doon siya tumulong sa pagbaon ng mga gusi ng ginto.

"Ang buwisit na iyon!" ang tugon ng tao. "Isa siyang matandang kuripot na diumano'y napakaraming salapi. Nangako siyang ibibigay ang lahat ng kaniyang salapi sa simbahan pag siya'y namatay. Bigla siyang namatay. Ang mga pari, mga mananaggol at kung sinu-sino ay naparito at naghanap, nguni't hindi nila nakita ang kayamanan. Sinasabi ng mga taong nakaririnig daw sila ng kalansing ng salapi kung gabi, dito sa bahay na ito. Mayroon din daw silang naririnig na mga daing. Maaaring di-totoo ang mga kuwento, nguni't nakasama ang mga iyan sa aking bahay. Walang umupa rito."

"Hayaan ninyo akong tumira rito. Hindi ako magbabayad, nguni't kukumpunihin ko ang mga sira ng  bahay. Paaalisin ko ang multo. ako nga ay mahirap, nguni't mabuting kristiyano. Hindi ako natatakot kay Satanas," ang sabi ni Isko.

Pumayag ang may-ari ng bahay. Si Isko at ang kaniyang mag-anak ay lumipat na roon. Ang bahay ay kinumpuni ni Isko. Ang kalansing ng salapi ay di narinig kung gabi, kundi kung araw at sa mga bulsa ni Isko.

Sa Katagang sabi, si Isko'y yumaman at naging isa siya sa pinakamayaman sa kanilang bayan. Nagbigay siya ng maraming salapi sa simbahan at nang mamatay, ang kaniyang lihim ay ipinagtapat niya sa kaniyang mga anak na tagapagmana.

Pagpapahalaga sa Kuwentong-Bayan;
1.Sino si Isko?
2.Ano ang ipinagawa sa kaniya ng isang tao?
3.Nalalaman ba niya ang lugar na pinagatrabahuhan niya? Bakit?
4.Paano siya nagkapalad na maging isa sa pinakamayaman sa kaniyang bayan?
5.Ano ang ginawa niya sa kanyang kayamanan?



 



No comments:

Post a Comment