Pages

Saturday, October 11, 2014

"Ang Alamat ng Ilang-ilang"

[isang Alamat]


"Ang alamat ng Ilang-ilang"
ni Miguel M. Cristobal


Noong panahong bagu-bago pa lamang sa lupaing ito ang mga Kastila, sa isang pook ng bayang Malabon ay may isang dalagang tumutugon sa pangalang Cirila, kabilang sa ankan ng mga Gat kung kaya't iginagalang at pinagpipitaganan ng madla. Ang kaniyang ganda, na ayon sa sabi'y pinilas sa buwan, ay kinambalan pa ng isang kabaitang siyang nagbibinhi sa puso ng kaniyang mga kababayan upang pag-ukulan siya ng isang pagmamahal na wala nang makakatulad.




Sa bayang ito ay may isang binata rin naman na ang pangalan ay Carlos na kung tagurian ay Lanubo, dahil sa kaniyang mga bisig na matitigas at matipuno; siya'y may katapangan at lakas ng loob na kinagugulatan ng sino mang binata sa mga karatig na bayan ng Malabon. Si Carlos at Cirila, na ang palayaw naman ay Ilang, ay magkatipan sa pag-ibig. Ang kanilang pagmamahalan ay walang makakatulad. Hindi nila nakikilala ang lungkot; ang kapighatian ay kanilang hinahamak, ang luha at buntunghininga ay hinahalakhakan lamang nila kung ang mga ito'y sinasambit ng sinumang kakilala na nakababatid ng timyas ng kanilang pagsusuyuan. Ang pag-iibigan ni Ilang at Lanubo ay hindi naman lingid sa kanilang mga magulang at ang mga ito naman ay hindi tutol sa pag-iibigan nila.

Isang araw ay dumating sa Malabon at umahon sa dalampasigan ng Nabotas ang ilang mga dayuhang Intsik na karaniwan na ring dumarating sa nasabing bayan. Ang Intsik na ito, hindi nalao'y tinubuan ng pag-ibig sa dalaga nguni't hindi siya nagpahayag ng kaniyang niloloob marahil ay sa dahilang alam niya ang ugali ng mga babaeng Pilipina at ang isa pa'y nasisindak siya na baka ito'y mabatid ni Lanubo na isang binatang lubos na kinakatakutan ng lahat ng lalaki sa bayan at sa mga pook na karatig. Sinarili ng Intsik ang gayong pagnanais at maghintay na lamang ng isang mabuting pagkakataon na sa ganang kaniya'y siyang lalong pinakamabuting magagawa. Ang katuparan ng pag-iibigan ni Ilang at ni Lanubo ay malapit nang dumating. Sa pagkakasundo ng dalawang panig ay pinagkayarian ng mga magulang nila na ang kasal ay idaos sa pagliliwanag ng buwan. Noon ay gasuklay pa lamang ito at dahil diya'y may panahon pa sila upang magawa ng bawa't isa ang mga paghahanda sa lahat ng kinakailangan. Sa gayon, si Lanubo ay nagpaalam upang tumungo sa Limay, Bataan,upang makapanghuli ng usa na noong mga panahong yao'y isa sa mabuting handa sa pagsasalu-salo ng mga magka-kaibigan. Apat na matatalik na katoto ng binata ang isinama at isang umaga'y sumakay sila sa isang lunday na patungo sa bundok na mausa. Makadalawang araw ng pagkakaalis ni Lanubo, sinamantala ng Intsik ang pagkakataon at nagpahayag ng pag-ibig kay Ilang at naghandog pa ng kayamanan, datapwa't sukat ispin na ang mga paghahandog na ito'y walang masasapit sa isang babae na di-lamang sa marunong tumupad sa pangako kundi may isang puso pang malinis at marangal kaya't isang kabaliwan lamang ang isinasagawa ng Intsik sa pagtatapat ng pag-ibig na tiyak nang walang kasasapitan. Ang Intsik ay hindi lamang tumanggap nga ng malaking pagkabigo kundi kinapootan pa ng dalaga sa gayong kapangahasan na sinamantala ang pag-alis ng kaniyang minamahal na katipan. Sa pagkapahiya ng Intsik ay minabuti ang umalis sa bayang yaon at huwag ng paabot pa sa pagdating ni Lanubo, nguni't siya namang pagdating ng dalawang pangkat ng mga tulisang Intsik  na siyang sinamantala ng nasiphayo upang ang hindi niya nakuha sa mabutihan ay daanin sa masama. Nakipagsabwatan sa kaniyang mga kababayan, at isang gabing umunos ay sinalakay nila ang tahanan ng dalaga at matapos na itali ang mga magulang nito ay kinuha si Ilang at dinala sa isang malayong pook. At doon ay pinilit ang babae na mapasang-ayon sa kanilang maitim na nais; nguni't si Ilang ay hindi napahinuhod ng Intsik gaano mang pananakot at pagbabanta ang kaniyang gawin. Nang inaakala na ni Ilang na siya ay sapilitang mapapasa-kamay ng Intsik ay minabuti na ang mamatay kaysa mawalan ng puri, at sa isang pagkakalingat ng salanggapang na Intsik ay inagaw niya ang sundang nito at sa pagaagawan nila, sinamang-palad na natarak ang sundang sa tapat ng puso ni Ilang na ikinamaay nito noon din. 

Nang gabi ring yaon ay dumating ang pangkat ni Lanubo at ng mabatid ang mga nagyari ay hinanap ang taksil na may gawa ng gayong kapaslangan, at sa gitna ng dagat na sinisiklot ng malalakas na alon ay naghamok ang mga tulisang Intsik at ang pangkat ni Lanubo, at dahil sa nagngangalit na kapootan ng binata at ng kaniyang mga kaibigan ay halos walang iniwang buhay sa pangkat ng masasamang-loob.

Kinabukasan, ang bangkay ni Ilang na tinatangisan ng binata at ng bayang nagmamahal sa dalaga ay inilibing sa tabi ng isang malaking punongkahoy na di namumulaklak. Buhat noon, gabi-gabi, sa harap ng puntod ng kaawa-awang si Ilang, sakbibi ng walang kaparis na pagdadalamhati, ay lumuluhod si Lanubo at sa buong magdamag ay walang tinatawag kundi ang pangalan ni Ilang. At pagraan ng mahabang araw, isang umaga, nagisnan na lamang ng buong bayan na si Lanubo ay bangkay na ring malamig. Marahil... ay upang matapos na rin ang kaniyang pagdadalamhati. Ng inililibing na si Lanubo sa pook ding kinalibingan ni Ilang, ang kura ng isang pareng Kastila na lubhang nakatatalos sa mga nangyari ay nagsabi sa kaniyang mga kausap ng ganito:

Kaawa-awang binata! gabi-gabi siya'y walang isinisigaw kundi Ilang...Ilang... na siyang pangalan ng dalagang sasamahan niya ngayon sa hukay.

Isang araw, pagkaraan ng ilang panahon ng pagkalibing ni Lanubo sa kinalilibingan din ni Ilang, ang mga tao'y ginulat ng mabangong amoy na nagbubuhat sa libingan ng magsing-irog at nang pagsadyain ng mga tao ay nagtaka sila nang gayon na lamang sapagka't ang punong kahoy sa libingan ng dalawa na matagal na panahong di mamumulaklak ay naghandog ngayon ng mga talulot na may bagong kahanga-hanga. Ang bulaklak na yaon ay tinawag na Ilang-ilang bilang pagunita sa dalawang pusong nagsimpan ng lalong dalisay at tapat na pag-ibig.

Pagpapahalaga sa Alamat
1.Sino si Ilang? si Lanubo? Saan sila nakatira?
2.Sino ang dumating sa Malabon? ano ang naging kaugnayan niyon sa buhay nina Lanubo at Ilang?
3.Paano nagkalakas ng loob ang Intsik upang agawin si Ilang? Isalaysay mo.
4.Isalaysay mo ang tungkol sa pagbabalik ni Laanubo? Paano niya sinigil ang tumampalasan kay Ilang?
5.Paano ipinakita ni Lanubo ang kadalisyan ng kaniyang pag-ibig kay Ilan?
6.Saan daw nanggaling ang mababangong bulaklak? Bakit tinawag na Ilang-ilang?    

No comments:

Post a Comment