"Ang Talumpati"
Ang talumpati ay isang sanga'y ng panitikang inihanda upang basahin o bigkasin sa harap ng mga taong handang magsipakinig. Ang tiyak na mga layunin ng alin mang talumpati ay humikayat, tumugon, mangatwiran at magharap ng sariling pagkukuro at paniniwala. Ang mabisang talumpati ay nag-aangkin ng mga bahaging sumusunod na may kani-kaniyang hangarin at katangian.
Ang unang bahagi ay ang pasimula. Ang layunin nito ay ihanda ang mga nakikinig. Sa bahaging ito sinisikap ng nagtatalumpati na maakit ang mga nakikinig.
Ang bahaging nagbibigay-liwanag sa paniniwala at patakaran ng nagtatalumpati ay siyang itinuturing na paglalahad (exposition). Ito'y may maayos na balangkas, at kung binibigkas ay may-kahinahunan upang maikintal sa damdamin ng mga nakikinig ang diwa ng talumpati.
Sa paninindigan, ang bahaging kasunod ng paglalahad, ay naghaharap naman ng mga patotoo na siyang aakit upang maniwala at kumilos ayon sa diwa ng talumpati ang mga tagapakinig. Ang bahaging ay lubhang makabuluhan sa isang talumpati.
Ang pangwakas na bahagi ay siya namang tinatawag na pamimitawan (conclusion). Ang paraan ng pagwawakas sa isang talumpati ay naaayon sa layunin nito. Kung ang layunin nito ay mapapaniwala ang nakikinig, inihaharap ang pagiging kailangan ng patakaran, sa pamamagitan ng pag-ulit sa patakaran at pag iisa-isa sa mga nabanggit na katwiran. Kung ang layunin ay pakilusin ang mga nakikinig, sa pagwawakas ay ipakikita ang kalagayang hinaharap na bunga ng pagkilos na isasakatuparan. Ang pangwakas ay kabuuan lamang ng katawan ng talumpati.
No comments:
Post a Comment