Pages

Si Juang Mapalad

[isang Kuwentong-bayan]

Si Juang Mapalad
ni Antonia F. Villanueva





Ang kuwentong ito ay nangyari raw sa isang malayong kaharian ng Asia. Noon, ang hari raw doon ay si Dionis na balita sa kabutihan at kakisigan. Iisa ang anak ng Haring Dionis kaya't mahal na mahal sa kaniya. Iyo'y si Prinsesa Laurang tala diumano ang katulad sa ganda.

Isang araw, nabalitaan ng hari na doon sa kaniyang kaharian ay may naninirahang magaling na manghuhula. Ipinatawag niya agad ang naturang tao at ito nama'y dagling dumating.

"Ano po ang ibig ninyo, mahal kong hari?" ang tanong ng manghuhula.

"Ngayon din ay hulaan mo si Princesa Laura. Nais kong matanto ang palad na sasapitin niya," ang tugon ng hari.

"Kahit di po kaharap ang prinsesa'y sasabihin ko ang magiging kapalaran niya," ang sagot ng manghuhula.

"Ang prinsesa po'y mag-aasawa sa isang mahirap na tubo sa bilya. Nguni't kahit po bilyano'y magiging hari siyang popoonin ng lahat sa mundo."

Ang manghuhula'y nagpaalam at ang hari nama'y nagpasalamat sa Diyos.

Doon sa isang sulok ng kaharian, may isang pook na ang tawag ay Bilya Amor. Ito'y kapatagan nga, nguni't puno naman ng talahib at nasa tabi pa ng gubat. Marami rin naman ang namamahay rito at kabilang ang tatlong magkakapatid na sina Pedro,Jose, at Juan. Sila'y mga anak ng mag-asawang mahirap at sa isang bahay na sira-sira sila nakatira. Talaga marahil ng Diyos, noong si Juan ay tatlong taon na, ang ama't ina nila'y namatay pagdaka. Nag-iyakan ang magkakapatid at ganoon na lamang ang kanilang paghihinagpis.

Nang maubos na ang pagkain sa bahay, si Pedro't si Jose'y nag-iisip nang maghahanapbuhay. Nagdala ng mga panlako sa bayan at kapag naipagbili, pag uwi nila sa bahay ay bitbit na ang bigas at ulam na maipagtatawid-gutom nilang tatlo. Kung minsan naman, nagpapaupa sila sa mayayaman, at ang kita'y ibinili nila ng damit at pagkain.

Lumipas ang mga buwan, at si Juan ay may apat na taon nang gulang. Isang hapon si Pedro't si Jose'y nag usap.

"Isang taon na nating pinakakain si Juan," ang simula ni Pedro. "Tamad na bata iyan. wala siyang gawa kundi kumain. Ako'y nahihirapan ng totoo sa paghanap ng maipakakain sa kaniya."

"Iyan nga ang ating gagawin. Hayaan natin siyang humanap ng kaniyang kakanin," ang ayon ni Pedro.

Mula noon, ang lahat ng paraan ay ginawa ng magkapatid para huwag nilang makasalo si Juan. Kapag sila'y kakain na, si Juan ay kanilang inuutusan sa malayu-layo sa kanilang bahay. Ang hagdan ay kanilang inaalis para ang bunsong kapatid ay huwag makapanhik. Pagbalik niyon ay kailangang tawagin pa niya ang mga kapatid.

"Kuya Jose, nagugutom ako," ang iyak ni Juan, "Kuya pedro, papanhikin ninyo ako."

Nguni't parang bingi ang dalawa. Kung sila'y busog na, ang nalabing pagkain ay kanilang ipinakakain sa asong, mabuti pa raw kay Juan sapagka't siyang nagbabantay ng kanilang bahay. Saka nila ilalagay ang hagdan. Si Juan ay madali namang papanhik nguni't kahit mumo at pispis ay wala siyang mahingi sa dalawang kapatid na ganid. si Juan ay mananog na muli at sa mga kapitbahay siya manghihingi ng kahit anong makakain. Ganoon ang naging buhay ng kahabag-habag na bata. Madalas siyang nangangahoy, at ang ama't inang patay na ay kaniyang tinatawagan.

"Nanay ko, Tatay ko, bakit di pa ninyo ako isinama," at saka siya iiyak nang malakas. "Nanay ko, kunin mo na ako Tatay ko, kunin muna po ako. Diyos ko, kunin Mo po ako," ang tawag ng kaawa-awang bata.

Kung maririnig siya ng dalawa, siya'y kinagagalitan at madalas na pinapalo pa.

Isang araw, nakita niya si Pedro at si Jose na nagaalis ng huling hipon at isda sa kanilang taying. Ang taying ay panghuli ng hipon. Nanghingi si Juan, ngunit di siya binigyan.

"Manghuli ka kung ibig mong kumain," ang sigaw ni Pedro.
"Pahihiramin kita ng taying," ang sabi ni Jose.

Lumakad si Juang dala ang taying at ito'y dinala niya sa ilog. Inilagay na niya ito sa tubig at siya'y naghintay. Pagkaraan ng ilang sandali, ang taying ay gumalaw.

"Salamat, Diyos ko," ang nasambit ng bata. "May makakain na ako."

Nguni't ang laki ng gulat niya dahil sa ang nasa taying ay isang dagang malaki na puting-puti.

"Kakainin kita, kahit ka daga," ang sabi ni Juan.
"Huwag," ang wika ng daga, "Gaano na lamang ako.

Hindi ako makabubusog sa iyo. Sumama ka sa akin sa aming hari. Pagdating doon, hingin mo ang salaming munti. Iyan ay engkantado, at ibibigay sa io anuman ang hingin mo. Talian mo ako at dadalhin kita roon. 

Sinunod ni Juan ang utos ng daga at sila'y nakarating sa isang burol. Doon ay nakita niya ang isang batang may korona.

"Ano ang dahilan at nakarating ka rito?" ang usisa ng bata.

"Dahil sa daga," ang sagot ni Juan at kaniyang isinalaysay ang kaniyang buhay.

"Ako'y naaawa sa iyo," ang wika ng bata, "Ano ang ibig mo?"

"Ibigay mo sa akin ang maliit na salaming iniingatan mo," ang tugon ni Juan.

"Ibibigay ko sa iyo nguni't pakinggan mo ang bilin ko. Ibibigay sa iyo ng salamin ang lahat ng hingin mo. Kaming lahat dito'y mga angel sa langit. Ang mga kapatid mo'y nagsilayas na sa Bilya amor. Silay walang ginagawa kundi magsugal kung may kuwarta. Sila'y huwag mong hahanapin, at kung ikaw naman ay makita, ikaw ay huwag pakikilala. Pitong taon ka noong umalis sa Bilya amor at pitong taon din sapul nang sumapit ka rito. Bibigyan pa kita ng gitarang kung tugtugin, ay magsasaya ang lahat ng tao."

Tinanggap ni Juan ang gitara't salamin at ang bata't daga'y biglang nawala. Si Juan ay bumalik na sa kanilang bahay sa Bilya amor. Humingi siya ng pagkain sa salamin at ito'y biglang lumabas. Kahit anong hingin ni Juan sa salamin ay dagling lumalabas.

Dumating ang panahon ng taniman at si Juan ay niyaya ng kaniyang mga kapitbahay. Ibinigay sa kaniya ang lupang kugunan para tamnan niya. Hindi siya kumibo at tuloy umuwi. Kinuha ang kaniyang gitara't tumogtug. Dumating ang anihan. Nagtaka ang mga tao dahil sa tatlong kamalig ang naaning palay ni Juan doon sa kung tingnan ng tao ay kugunan. Tinawag niya ang mga tao't doon niya pinag-ani sa kaniyang bukid. Pagkaani ng palay ay agad na namang tinubuan kaya ang nangyari'y pag-aaning walang katapusan.

Dumating ang balita sa Haring Dionis at ang bukid ni Juan ay pinagsadya niya. Sinalubong ni Juan ang hari at ang mga kasama niyon. Nakita nila ang kataka-takang pag-aani sa bukid ni Juan.

"Juan," ang tawag ng hari, "nasaan ang bahay mo? Ibig naming magpahinga."

"Hintay po kayo, mahal na hari," ang tugon ni Juan, "ako po'y uuwi muna't lilinisin ko ang bahay."

"Ikaw ang bahala," angg wika ng hari.

Si Juan ay agad humingi sa salamin ng isang palasyong ubod ng ganda. Sinasabing templo raw ni Solomon ang nakakawangis. Binalikan niya ang hari't mga konseheros.

"Iwan na po ninyo ang mga bastamento... Marami pong pagkain sa bahay," ang sabi ni Juan.

Nagulat ang hari sa palasyo ni Juan sapagka't talaga namang nalaluan pa ang palasyo niya. ang lahat ay nagtaka, kung saan kinuha ni Juan ang pagkaing inihanda sa kanila. Pinatugtog din niya ang gitara. Ang hari, saka ang lahat ng lubos na naaliw.

"Juan, sumama ka na sa akin sa loob ng kaharian at doon ka na tumira sa palasyo real," ang anyaya ng hari, "Ituturing kita na isang anak at si Prinsesa Laura'y siya mong makakaulayaw. Tumugtog ka lamang ng gitara maghapon upang ang prinsesa'y malugod."

"Ang paris ko pong mahirap, na naninirahan sa gubat, ay di dapat makaulayaw ng prinsesa."

"Pagdating mo sa kaharian, ikaw ay mag-aral, nguni't ang hiling ko lamang ay ilipat mo ang palasyong ito sa tabi ng palasyo ko. Kapag di nasunod, pagkaraan ng tatlong araw, ipapuputol ko ang ulo mo."

"Mauna na po kayo," ang sagot ni Juan. "Bukas ng umaga, ako'y darating sa inyong kaharian."

"Juan, ipatigil mo na rin ang pag-aani. Ang mga tao'y magiging tamad. Hindi na nila inaasikaso ang kanilang mga bukid," ang wika ng hari.

Sumunod si Juan sa mga utos ng hari. Ang prinsesa'y pinagsabihan ng hari. Nais niyang si Juang mahirap at bilyano lamang ang maging asawa ng prinsesa Laura'y sumang-ayon naman. ang ibig ng hari'y anyayahang lahat ang mga hari sa iba't ibang kaharian, kaya marahil ay tatlong taon pa ang hihintayin bago maganap ang kasal. Lumipas namang madali ang tatlong taon, at dumating na lahat ang mga inanyayahan. Nalaman ng lahat kung sino si Juan.

"Haring Dionis," ang sabi ng mga hari, "marami namang anak-maharlika, ano't isang pastol na lumitaw sa bundok ang pinili mo?"

"Hindi masasansala ang kagustuhan ko, kahit si Juan ay mahirap at mababang tao," ang giit ng haring Dionis.

Umalis noon din ang lahat ng hari at pinag kaisahan nilang digmain ang buong kaharian ng haring Dionis. 

Iniutos naman ng Haring Dionis na ituloy ang kasal ni Juan at ng Prinsesa at saka ituloy rin ang pagsasaya. Pagkatapos ng kasal ang korona't setro'y isinalin kay Juan kaya siya na ngayon ang Hari at Don Juan na ang tawag sa kaniya ng lahat.

Kaginsaginsa'y siya namang pagdating ng embahadang galing sa Turkiya. Ang buong akala nila'y ang Haring Dionis pa ang nakaupo sa trono. 

"O, Haring Dionis," ang simula ng embahador. "Ang utos po ng aming heneral ay iyong paalisin kaagad si Juang bilyano saka ibigay mo sa amin ang iyong korona't setro. Kung di ka susunod nariyan sa labas ng iyong kaharian ang sampung libong kawal na lulusub sa iyong kaharian.   Ngayon, mahal na hari, ay ano ang iyong tugon?"

"Palalabasin ko ang ilan sa aking mga kampon," ang tugon ni Juan.

Umalis na agad ang embahador. Ang haring Dionis naman ay sumangguni kay Don Juan.

"Huwag kang mabahala, ama ko. Madali nating matatalo ang sampung libong moro," ang aliw ni Juan sa nasisindak na hari.

Noon din ay humingi siya sa salamin ng tatlong higanteng malalaki at ang mga iyon ay siyang humarap sa mga kawal na morong nagsipagtakbuhan.

Ang sumunod namang dumating ay si Heneral Amatong na may dalang labinlimang libong kawal. Tatlong serpiyente naman ang hiningi ni Juan sa salamin at ang mga iyon ang tumugis sa mga Morong nangamuti ang mga paa sa pagtakbo.

Nagsipagpulong ang mga hari at napagkayarian nilang magtulong-tulong upang mpasuko si Juang bilyanong ngayon ay hari.

Isang hapon, si Juan ay lubhang nalungkot. kinuha niya ang gitara't siya'y tumugtog. Ano ba't ganito ang isinaysay ng gitara.

"Haring Juan, ikaw ay maghanda. Dirigmain ka ng dalawampu't isang hari. Dala ang kanilang mga kawal at ikaw'y lulusubin."

Nang matapos ang kaniyang pagtugtog, siya'y lumuhod at nanalangin sa Diyos na siya'y tulungan. Pagkatapos, siya'y humingi sa salamin ng pitumpung serpiyente't apapnapung higante.

"Anu-ano po bang mga kaharian ang darating dito?" ang tanong ng higante.

"Labing-isang kaharian ay mga Moro at ang sampu naman ay Kristiyano," ang tugon ni Juan, "Pasukuin ninyo silang lahat."

Lumakad na si Juan sa parang, at kasunod na ang kataka-takang mga kawal. Nanguna ang higanteng heneral. Inusisa ang mga hari tungkol sa kanilang pakay.

"Gugunawin namin ang kaharian ni Don Juan," ang sigaw nila. "Ang hari ninyo ay aming ipipiit, at sa ikatlong araw ang ulo niya ay aming puputulin. Ang taong mababa ay di dapat magtangan ng kaharian at panginoonin.

"Hindi na kayo nangiming magsabi ng ganyan? Hinahamak ninyo ang hari ng madla," ang tugon ng mga higante.

Nagalit ang mga hari at pinalusob nila ang mga higante at serpiyente. Nagdilim ang parang, at maraming buhay ang naputi. Bumaha diumano ng dugo at nang makita ng mga hari ang nangyari, sila'y tumatakbo pati ang mga kawal na pinalad na mabuhay paa. Hinabol sila ng mga higante at sila'y nabihag na lahat. Nang sila'y maharap na sa haring Don Juan, sila'y inusisa.

"Bakit ako'y inyong dinirigma? Ang hiling ko sa inyo, mga hari, ay maging magkakaibigan at magkaisa tayo."

Nang marinig na mga hari ang tinuran ni Juan, sila'y naghiyawan.

"Mabuhay! Mabuhay si Don Juang Mapalad ang Asiang kaharian. Mula ngayon, ikaw na ang aming kikilalaning emperador. Kaming lahat ay suko at talo mo kaya susunod kami sa balang ibig mo."

Mula noon si Juan mapalad ay nabuhay ng tahimik at maligaya.

Lumipas ang mga taon. Isang araw, may dumating na dalawang lalaki. Sila'y si Pedro't si Jose na naghahanap ng trabaho. Nang makita sila ni Juan ito'y kamuntik nang mapasigaw. Nguni't naalala niya ang bilin ng anghel na siya'y huwag magpapakilala. Siya'y di kumibo at binigyan na lamang niya ng kuwarta ang dalawa't pinagsabihan niyang pumaroon sa isang barko at sila'y magkakatrabaho.

Si Pedro't si Jose'y narapa sa daan at kung anong himala ay may narinig silang boses na ang sabi'y magbalik sila't hanapin ang kanilang bunsong kapatid na si Juan. Nagtawa pa sila't nagpatuloy sa kanilang paglakad. Maikatlo silang narapa at noong ikaapat ang lupay bumuka at ang dalawa'y nawala. Iyan ang kinahihinatnan ng magkapatid na masama.

Pagpapahalaga sa Kuwentong-bayan
1.ano ang naging hula kay Prinsesa Laura?
2.Bagamat si Juan ay bata pa, nagpalabuy-laboy na siya sa daan sa paghahanap ng ikabubuhay. Bakit?
3.Saan nagsimula ang pagiging mapalad ni Juan?
4.Bakit mahalaga ang salamin at gitarang ipinagkaloob ng anghel kay Juan?
5.Bakit naging hari ng mga hari ang bilyanong si Juan?
6.Ano ang naging bunga ng kasamaan ni Pedro at ni Jose?
       
 

 

 
    

No comments:

Post a Comment