Pages

Ang Talambuhay

"Ang Talambuhay"

   Ang salitang talambuhay ay pinagtatambal na salitang buhat sa talaan ng buhay, samakatuwid ay nauukol sa kasaysayan o kabuhayan ng isang tao. Ito ang ating panumbas sa biography. Ang pagsasaysay tungkol sa taong pinapaksa ay maaaring isagawa ng ibang tao o kaya'y ng may katawan na rin.

   Maging sino pa man ang nagsasaysay ng talambuhay, nangingibabaw na katangian nito ang pag-aangkin ng katutohanan at katarungan." Kung sa liwanag ng simulaing ito nanghawak ang may akda ng talambuhay, makatitiyak ang mambabasa na ang nakapanaig ay ang tunay na mga pangyayari at hindi ang damdamin lamang. Ito'y lalong kailangan kung ang talambuhay ay pansarili (autobiography), sapagka't sa gayon ay maiiwasan ang pagiging maka-ako sa paghaharap ng mga pangyayari.

   Ang palasak na uri ng talambuhay ay yaong nagsasalaysay ng tungkol sa mga pangyayari sa buhay ng pinapaksa buhat sa pagsilang niyon hanggang sa pagkamatay. Sunod-sunod na inihaharap ang tungkol sa pagsilang, mga magulang, pag-aaral, mga tungkuling hinahawakan, mga nagawa, at pagkamatay. Di-karaniwan ang tinatawag na talambuhay na palahad (expository biography), kaya't ito ang pag-uukulan natin ng maingat na pag-aaral.

   Ang talambuhay na palahad ay may mga katangiang ikinaiiba sa karaniwan. Sa ganitong uri ng talambuhay, mahalaga sa may akda ang layunin at adhika na naging patakaran sa buhay ng paksa kung paanong iyon aynagtagumpay o nabigo. Ang paghaharap ng tungkol sa pagsilang, pag-aaral, mga tungkulin at iba pa., ay binabanggit lamang kung may kinalaman sa mga simulain at isinagawa ng paksa. Ang talambuhay ng palahad ay pagbibigay-halaga at pagpuna sa mga patakaran, mga nagawa, mga katangian at iba pa. Dahil sa mga katangiang nabanggit, ang sumusulat ng talambuhay na palahad ay nangangailangan ng lubos na pagkaunawa tungkol sa buhay ng paksa na bunga ng mahabang pagkakakilala at masusing pananaliksik. Sa ganitong uri ng talambuay ay hindi dapat mag-angkin ang may akda ng damdaming laban sa paksa. Kung gayon, uulitin nating kailangan ng susulat ng talambuhay na palahad ang manghawak sa liwanag ng "katotohanan at katarungan."

No comments:

Post a Comment