Pages

Ang Pabula




"Ang Pabula"

Ang pabula ay isang uri ng salaysay na likha lamang ng guni-guni ng isang manunulat kaya't ito'y mahirap mangyari o sadyang hindi mangyayari. Dahil sa ang lahat ng mga bayan ay nagkaroon ng mga pabula, masasabing ang mga isinasalaysay sa mga ito ay pawang kasinungalingan ng daigdig.

Noong unang panahon ang maikling salaysay na ito ay iniukol sa mga bata sa layuning ipunla sa isip at kaluluwa ng mga iyon, sa pamamagitan ng maraming kababalaghan, ang katapangan, ang kagitingan, ang kagandahang-asal, ang pagkamasunurin sa magulang, pagkamapitagan sa matatanda. At ang pananampalataya sa Diyos. dahil sa mga layuning nabanggit, madalas na ang isang pabula'y nagwawakas sa tiyak na pagbibigay ng isang salawikain na kinapapalooban ng mahalaga at pangkabutihang-asal na katotohanan. Maaari rin namang ang hangad ng kumatha ay aliwin ang mga tagapakinig upang sa gayon ay palipasin ang mga kainip-inip na sandali.

Sa karamihan ang mga pabulang nautunghayan sa mga aklat, lalo na yaong sinulat ni Esopo, ang bantog na mangangathang Griyego na hindi mahihigitan ng sinuman sa larangan ng panitikang ito, karaniwang ang nagsisiganap ay mga hayop. Nguni't maaari namang samahan ang mga ito ng mga tao o kaya'y ng mga malik-mata. Sa ating matatandang kata o kata-kata (ito ang ating matandang tawag na katumbas ng pabula), mga malikmata ang nagsisigalaw kapag ang layunin ay sugpuin ang hangaring hindi mabuti ng mga bata. At kung ang layunin naman ay ipunla sa isipan ng mga iyon ang mga pag-uugaling kahanga-hanga at kagila-gilalas, mga tao ang nagsisiganap.

No comments:

Post a Comment