"Bulaklak ng Kalinisan"
Kampupot: Sofia Enriquez
Paruparo: Jose Corazon de Jesus
Bubuyog: Florentino T. Collantes
Lakan-Diwa: Lope K. Santos
Gat-Payo: Rosa Sevilla ni Alvero
Lakan-Diwa:
Yamang ako'y siyang haring inihalal
binubuksan ko na itong balagtasan
lahat ng makata'y inaanyayahang
sa gawang pagtula ay makipaglaban.
Ang makasasali'y batikang makata
at ang bibigkasi'y magagandang tula,
at ang bibigkasi'y magagandang tula,
magandang kumilos, may gata sa dila
at kundi ganito ay mapapahiya.
Itong balagtasa'y galing kay Balagtas
na Hari ng mga Manunulang lahat,
ito'y dating duplong tinatawag-tawag
balagtasan ngayon ang ipinamagat.
balagtasan ngayon ang ipinamagat.
At ang gabing ito, sa harap ng bayan
binubuksan ko na itong balagtasan
saka ang ibig kong dito'y pag-usapan:
Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan.
Tinatawagan ko ang mga makata,
ang lalong kilabot sa gawang pagtula;
lumitaw na kayo't dito'y pumagitna
at magbalagtasan sa Sariling Wika.
Paruparo:
Magandang gabi po sa kanilang lahat
Mga nalilimping kawal ni Balagtas
ako'y paruparong may itim sa pakpak
at nagbabalita ng masamang oras.
Nananawagan po, bunying Lakan-diwa,
ang uod na dating ngayo'y nagmakata,
naging paruparo sa gitna ng tula
st isang bulaklak ang pinipithaya.
Sa ulilang harding pinangangalingan ko
laon nang panahong nagtampo ang bango,
nguni't aywan baga't sa sandaling ito
ay may kabanguhang binubuhay ako.
May ilang taon nang nagtampo sa akin
ang bango ng mga bulaklak sa hardin,
luksang Paruparo kung ako'y tawagin
luksang Paruparo kung ako'y tawagin
mata ko'y luhaan ang pakpak ko'y itim.
Bunying Lakan-Diwa, dakilang Gat-Payo,
yaring kasawia'y pagpayuhan ninyo,
at si Lakan-ilaw ang gagamitin ko
upang matalunton ang naglahong bango.
Lakandiwa:
Sa kapangyarihan na taglay ko na rin
ikinagagalak na kayo'y tanggapin,
magpatuloy po kayo at sa aking hardin,
tingnan sa kanila kung sino at alin.
Paruparo:
Sa aking panlanghap ay laon nang patay
ang bango ng mga bulaklak sa parang,
nguni't ang puso ko'y may napanagimpang
bulaklak ng lihing kalinis-linisan.
Ang bulaklak ko pong pinakaiirog
ubod na ng ganda't puti ang talulot,
bulaklak po ito ng lupang Tagalog
kapatak ng luhang pangala'y kampupot.
Kung kaya po naman di ko masansala
ang taghoy ng dibdib na kanyang dinaya,
matapos na siya'y diligin ng luha
nang siya'y umunlad, nagtago... nawala!
Isang dapit-hapong palubog ang Araw
sa loob ng hardin, kami'y nagtaguan,
"Paruparo," anya, "kita'y tatalian
ako'y hanapin mo't kung makita'y hagkan."
Isang panyong puting may dagta ng lason
ang sa aking mata'y itinakip noon,
at ang bulaklak ko'y bumaba sa dahon
nagtago pa mandin at aking hinabol.
Hinabul-habol ko ang bango at samyo
hanggang makarating ako sa malayo,
at ng alisin naang takip na panyo
wala si Kampupot, wala yaring puso.
Ang taguang biro'y naging totohanan
hanggang tunay na ngang mawala sa tanaw,
at ang hinagpis ko noong ako'y iwan,
baliw na mistula sa pagsisintahan.
Salahat ng sulok at lahat ng panig
ay siya ang laging laman niring isip,
matulog man ako'y napapanaginip,
mistulang nalimbag sa sugatang dibdib.
Sa apat na sulok ng mundong payapa
ang aking anino'y tulang nabandila,
Paruparo akong sa mata'y may luha
ang mga pakpak ko'y may patak na luksa.
Ang sakdal ko'y ito, Lakan-Diwang mahal,
ibalik sa akin, puso kong ninakaw,
at kung si Kampupot ay ayaw po naman,
ay ang puso niya sa aki'y ibigay
Bubuyog:
Hindi mangyayari at ang puso niya'y
karugtong ng aking pusong nagdurusa,
puso ni Bulaklak pag iyong kinuha
ang lalagutin mo'y dalawang hininga.
Pusong pinagtali ng isang pag-ibig
pagpinaghiwalay kapanga-panganib,
pagpinaghiwalay kapanga-panganib,
hatiin ng dagat ang agos ng tubig,
sa ngalan ng Diyos, ay maghihimagsik.
Ang dalawang ibon na magkasintahan,
papaglatuin mo't kapwa mamamatay,
kambal na pag-ibig pag pinaghiwalay,
bangkay ang umalis; patay ang nilinisan.
Paruparong sawing may pakpak na itim
waring ang mata mo'y nagtatakipsilim,
at dahil sa diwang baliw sa paggiliw,
di man Kampupot mo'y iyong inaangkin.
Dinaramdam ko rin ang dinaranas mo
at sa kasawia'y magkauri tayo,
ako ma'y mayroong nawawalang bango
ng isang bulaklak kaya naparito.
Buhat pa kaningang ikaw'y nangungusap
bawa't salita mo'y matulis na sibat,
saka ang hanap mong mabangong bulaklak,
Luksang Paruparo, siya ko ring hanap.
Ipahintulot mo, Paruparong luksa,
dalitan ko yaring matinding dalita,
itulot mo rin po, Hukom na dakila,
Bubuyog na sawi'y makapagsalita.
Paruparo:
Di ko pinipigil ang pagsasalaysay
lalo't magniningning ang isang katwiran,
nguni't tantuin mo na sa daigdigan
ang bawat magnda'y pinag-aagawan.
Lakandiwa:
Magsalita kayo at ipaliwanag
ang buod ng lungkot na iyong dinanas,
paano at saan ninyo napagmalas
na ito ang siya ninyong hinahanap.
Bubuyog:
Sa isang malungkot at ulilang hardin
ang binhi ng isang halama'y sumupling,
sa butas ng bakod, na tahanan namin,
ay kasabay akong isinilang din.
Nang iyang halama'y lumaki, umunlad,
lumaki rin ako't tumibay, ang pakpak,
at nang sa butas ko ako'y makalipad
ang unang hinagka'y katabing bulaklak.
Sa kanyang talulot unang isinangla
ang tamis ng aking halik na sariwa,
at sa aking bulong na matalinghaga
napamukadkad ko ang kanyang sanghaya.
Nang mamukadkad na ang aking kampupot
sa araw at gabi ako'y nagtatanod,
langgan a tutubing dumapo sa ubod
sa panibugho ko'y aking tinatapos.
Ngayon, tanda ko ngang kayo'y nagtataguan
habang ako'y kanlong sa isang halaman,
luksang Paruparo, nang ikaw'y maligaw
ang aking halakhak ay nakabulahaw.
Ang inyong taguan, akala ko'y biro
kaya ang tawa ko'y abot sa malayo,
nguni't nang ang saya'y tumagos sa puso
sa akin man pala ay nakapagtago.
Lumubog ang araw hanggang sa dumulim
giliw kong bulaklak di rin dumarating
nang kinabukasa't muling nagulimlim
ay hinanap ko na ang nawalang giliw.
Nilipad ko halos ang taas ng langit
at tinalunton ko ang bakas ng ibig,
ang kawikaan ko sa aking pag-alis
kung di ko makita'y di na magbabalik.
Sa malaong araw na nilapd-lipad
dito ko natunton ang aking bulaklak,
bukong sa halik ko kaya namukadkad
di ko papayagang mapaibang-palad.
Paruparo:
Hindi mangyayaring sa isang bulaklak
kapwa mapaloob ang dalawang palad,
kung ikaw at ako'y kanyang tinatanggap
nagkasagi sana ang kanitang pakpak.
Ikaw ay Bubuyog sa urang sumilang
nang makalabas ka'y saka mo hinagkan;
ako ay lumabas sa kanya ring tangkay,
sino ang malapit sa pagliligawan?
Una muna akong nag-uuod sa sanga
na balot ng sapot ng pagkaulila
ng bukasan ng Diyos yaring mga mata
bulo't dahon namin ay magkasama na.
Sa ugoy na hangin sa madaling-araw
nagduruyan kaming dalawa sa tangkay,
at kung bumabagyo't malakas ang ulan,
ang kanya ring dahon ang aking balabal.
Sa kanyang talulot kung may dumadaloy
na patak ng hamog, aking iniinom;
sa dahong din iyan ako nakakanlong
sa init ng Araw sa buong maghapon.
Papano ngang siya ay pagkakamalan
sa kami'y lumaki sa iisang tangkay,
kaya nga kung ako'y sa kanya nabuhay
ibig ko rin namang sa kanya mamatay.
Bubuyog:
Huwag kang matuwa, sapagka't kaniig
niyang bulalak tang inaaring langit,
pagka't tantuin mo sa ngalang pag-ibig,
malayo ma't ibig, daig ang malapit.
Saka ang sabi mong sa mutyang kampupot
nakikiinom ka ng patak ng hamog
kaunting biyaya na bigay ng Diyos
tapang ng hiya mong ikaw ang lumagok.
Ikaw'y isang uod, may bulo kang taglay;
sa isang bulaklak laso't kamatayan,
at akong bubuyog ang dala ko'y buhay
bulong ng hiningang katamis-tamisan.
Paruparo:
Akong malapit na'y napipintasan mo,
ikaw na malayo naman kaya'y pano?
Dalaw ka nang dalaw, di mo naiino,
ay ubos na pala ang kanyang bango.
Bubuyog na laging may ungol at bulong
ay nakayayamot saanman pumaroon.
at ang katawan mo ay mayrong karayom
pano ka lalapit, di naduro tuloy?
Di ka humahalik sa mga bulaklak
talbos ng kamote ang siya mong liyag,
ang mga bintana'y iyong binubutas,
doon ang bahay mo bubuyog na sukab.
Ikaw ay bubuyog, ako'y paruparo,
iyong mga bulong ay naririnig ko;
kung dinig ng lahat ang panambitan mo
hiya ni Kampupot, ayaw na sa iyo.
Bubuyog:
Kundi naiibig ang nakikiusap
lalo na ang tahimik na tatapat-tapat,
kung ang magsalita'y di-magtamong-palad
lalo na ang dungong di makapangusap.
Lilipad-lipad ka na payao't dito
pasagilang-ingit, at patanaw-tao,
pagligaw-matandang sa panahong ito
pagtatawanan ka ng liligawan mo.
Ikaw paruparo, ako ay bubuyog
nguni't saang panig nitong sansinukob
nilang ka sa tangkay ako ay sa bakod,
nakakatuwaan ang paris mong uod?
Saka, Paroparo, dapat mong malamang
sa mula't mula pa'y di ka minamahal,
ang panyong panali nang ikaw ay takpan
ikaw ang may sabing may lason pang taglay.
Paruparo:
Ganyan ang hinalang namugad sa dibdib,
pagka't napaligaw ang aking pangmasid,
hindi pala laso't dagta ng pag-ibig
ang sa aking panyo'y kanyang idinilig.
Bubuyog:
Dadayain ka nga't taksil kang talaga
at sa mga daho'y nagtatago ka pa.
at sa mga daho'y nagtatago ka pa.
Parupro:
Kung ako'y dinaya't ikaw ang tatawa
sa taglay kong bulo nilason na kita.
Bubuyog:
Pagka't ikaw'y taksil, akin ang kampupot.
Paruparo:
Nagkakamali ka, hibang na bubuyog.
Bubuyog:
Siya'y bulaklak ko sa tabi ng bakod.
Paruparo:
Bulaklak nga siya't ako'y kanyang uod.
Lakan-Diwa:
Tigil na Bubuyog, tigil, Paruparo,
inyo nang wakasan iyang pagtatalo;
yamang di-malaman ang may-ari nito,
kampupot na iya'y paghatian ninyo.
Bubuyog:
Kapag hahatiin ang aking bulaklak
sa kay Paruparo'y ibigay nang lahat;
ibig ko nang ako'y magtiis ng hirap
kaysa ang talulot niya ang malagas.
Paruparo:
Kung hahatiin po'y ayo ko narin anman
pagka't pati ako'y kusang mamamatay;
kabyak na kampupot aanhin ko iyan
o buo o wala nguni't akin lamang.
Lakandiwa:
Maging si Salomong kilabot sa dunong
dito'y masisira sa gawang paghatol;
kawpwa nagnanasa, kapwa naghahabol,
nguni't kung hatii'y kapwa tumututol.
Ipahintulot pong sa mutyang narito
na siyang kampupot sabihin kung sino,
kung sino ang kanyang binigyan ng oo,
o kung si Bubuyog, o si Paruparo.
Kampupot:
Tila nga, tila nga sa aki'y mayroong
sa hamog ng gabi ay may nagkakanlong
nguni't akala ko'y dahon lang ng kahoy
at di inakala na sinuman yaon.
Bubuyog:
At ako ba, Mutya, hindi mo na batid
ang mga bulong ko't daing ng pag-ibig
ang akin bang samo at mga paghibik
na bulong sa iyo'y di mo ba narinig?
Kampupot:
Tila nga, tila nga, ako'y may napansing
daing at panaghoy na kung saan galing,
nguni't akala ko'y paspas lang ng hangin
at di na inakala na sinuma't alin.
Bubuyog:
Sa minsang ligaya'y tali ang kasunod
makapitong lumbay o hanggang matapos.
Paruparo:
Dito natunayan yaong kawikaan
na ang paglililo'y nasa kagandahan.
Sabay: Bubuyog at Paruparo:
Ang iisang sanglang naiwan sa akin
ay di mananakaw magpahanggang-libing
Lakan-Diwa:
ang hatol ko'y ito sa dalawang hibang
nabaliw at hindi kinababaliwan:
yamang ang panahon ay inyong sinayang
kaya't nararapat na maparusahan.
Ikaw ay tumula ngayon, Paruparo,
ang iyong tulain ay "Pagbabalik" mo,
at ang "Pagsalubong" sa babaeng lilo,
Bubuyog, tulain, ito ang hatol ko.
(Pagkatapos makatula ni Paruparo)
Lakan-Diwa:
Sang-ayon sa aking inilagdang hatol,
ay ikaw, Bubuyog, ang tumula ngayon,
ang iyong tulain ay ang "Pagsalubong"
ng kabuhayan mong tigib ng linggatong.
(Pagkatapos makatula ni Bubuyog)
Minamahal nami't sinisintang bayan,
sa ngayo'y tapos na itong balagtasan,
at kung ibig ninyong sila ay hatulan,
hatulan na ninyo pag dating ng bahay.
wowww
ReplyDelete